FDA nagbigay ng pahintulot para sa chinese anti COVID-19 vaccine na sinopharm na gagamitin ng PSG
Kinumpirma ng Malakanyang na binigyan na ng pahintulot ng Food and Drug Administration o FDA ang Chinese anti COVID 19 vaccine na Sinopharm para gamitin ng Presidential Security Group o PSG.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque inisyuhan ng FDA ng Compassionate Use License ang Sinopharm anti COVID 19 vaccine batay sa kahilingan ng pamunuan ng PSG.
Ayon kay Roque, sampung libong doses ng Sinopharm anti COVID 19 vaccine ang inorder ng PSG para ibakuna sa mga hindi pa nabakunahan.
Inihayag ni Roque na mahalagang mabakunahan lahat ng mga miyembro ng PSG dahil sa kanilang trabaho na bigyan ng seguridad at proteksyon ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Magugunitang naging kontrobersiyal na isyu ang pagbabakuna sa unang batch ng PSG gamit ang smuggled na Sinopharm anti COVID 19 vaccine bago matapos ang taong 2020.
Kaugnay nito ipinahiwatig ni Roque na posibleng kasama na si Pangulong Rodrigo Duterte sa babakunahan depende sa magiging advise ng doctor ng Chief Executive.
Vic Somintac