Filing ng COC sa mga mall, ikinukonsidera ng COMELEC
Posibleng gawin na rin sa mga mall maging ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Sinabi ni Commission on Elections (COMELEC) Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na ito ay para sa kanilang mga tanggapan na may maliliit na espasyo.
Inihalimbawa nya ang COMELEC office sa Maynila na mayroong 6 na distrito.
“Can you imagine barangay palang 28k na idagdag pa ang SK so around 40k ang mag-file ng COC. So talagang ang sample namin ang Manila. Kung kaya gawin sa Manila bakit hindi gawin sa ibang lugar na pareho ang sitwasyon,” paliwanag ni Laudiangco.
Pero kung wala namang malapit na mall, pwede rin naman aniya itong gawin sa pinaka-maliit na pampublikong gymasium.
Sa tanong naman kung bakit hindi gawin ng COMELEC na automated ang filing ng coc, ipinaliwanag ni Laudiangco na sa ilalim ng batas ay nakasaad na dapat personal o sa pamamagitan ng duly authorized representative ang paghahain nito.
Sabi ni Laudiangco, “mahirap na hindi makita taong nag-file coc kasi baka may patay na pala o gusto lang na manabotahe.”
Ang petsa para sa paghahain ng kandidatura sa BSKE ay itinakda sa Agosto 26 hanggang Setyembre 2.
Maliban dito, kasama rin sa pinag-aaralan ng poll body ay ang pagkakaroon ng botohan sa mga mall para sa vulnerable sector at ilang piling sektor.
Nakatakda namang isagawa sa susunod na linggo ang coordination meeting ng COMELEC kasama ang kinatawan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para talakayin ang seguridad sa halalan.
Dito pag-a-aralan ang mga lugar na dapat ilagay sa area of concern para maiwasan ang election related violence.
Madz Moratillo