Filipino billiard player na si Carlo Biado, wagi sa 2021 US Open Pool Championship
Binati ng Malacañang ang Filipino billiard player na si Carlo Biado, dahil sa pagbibigay karangalan sa bansa matapos manalo sa 2021 US Open Pool Championship sa Atlantic City.
Nakasaad sa pahayag ng palasyo . . . “Carlo is indeed a world-class billiards champion.”
Tinalo ni Biado si Aloysius Yapp ng Singapore sa score na 13-8, sa Harrah Resort Atlantic City sa New Jersey para makuha ang 2021 US Open Pool Championship.
Dahil sa panalo, si Biado ang naging unang Filipino na nagwagi sa torneo sa loob ng 27 taon, pagkatapos ni Efren “Bata” Reyes noong 1994.
Ayon kay Biado . . . “Napakasaya ko dahil isa ito sa mga pinangarap ko. Alay ko ito sa aking pamilya at sa aking baby. Maraming salamat sa inyong lahat dahil sa kabila ng pandemya ay narito pa rin kayong lahat para manood. Salamat sa Matchroom, sa aking mga sponsor, at sa lahat ng mga Filipino na all the way ang naging suporta sa akin.”
Personal namang ipinagkaloob ni pangulong Rodrigo Duterte kay Biado ang isang presidential citation para sa pagkapanalo nito ng medalyang ginto sa 29th Southeast Asian Games (SEAG) noong 2017.