Filipino community hinarap ni PBBM sa Kuala Lumpur

Humarap kaagad si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Filipino community sa pagdating sa Malaysia para sa kaniyang 3-day state visit sa kapwa bansa sa Asya.

Sa harap ng mga kababayang nagtipon sa Kuala Lumpur, sinabi ni Pangulong Marcos na bukod sa pagpapatibay ng relasyon sa Malaysia ay nais ding matiyak ng gobyerno ang kapakanan at kaligtasan ng mga Filipino sa nasabing bansa.

“Unang-una dahil napakaraming Pilipino rito. At kailangan nating tiyakin na lahat kayo ay naaalagaan at lahat kayo ay maayos ang kabuhayan at nabibigyan ng mga pagkakataon,” pahayag ni Pangulong Marcos sa harap ng FilCom.

Kinilala rin ng Chief Executive ang mahalagang papel at magandang reputasyon ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pagpapanatili ng magandang relasyon sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan.

“Kaya naman kailangan talaga kayong pasalamatan, dahil ang naging reputasyon ng Pilipinas ay gumanda nang gumanda dahil sa performance na ginagawa ninyo at inyong pinapakita sa mga taga-rito. Sa mga taga-Malaysia, kung saan man, taga-Middle East, kung saan sila, taga-Europe, sa America. Pare-pareho.”

“Lahat-lahat ay sinasabi: ‘ang galing ng pilipino. Hindi kasing ginhawa ‘yung buhay namin kung wala ‘yung pilipinong tumutulong sa amin. Marami kaming nakikitang pilipino na sumisikat dahil ang sisipag, ang huhusay, honest, maaasahan,” dagdag pa ng Pangulo.

Pagdidiin pa ni Pangulong Marcos, obligasyon ng pamahalaan na protektahan ang interes ng mga Filipino na nagtatrabaho sa Malaysia, lalo’t batid ng gobyerno ang mga hamon na kanilang hinaharap at kumilos para tugunan ang mga isyu ng mga Pinoy workers.

Bukod sa remittances ng mga OFWs na malaking tulong sa ekonomiya ng bansa, kinilala rin ng Pangulo ang tulong ng mga OFWs para mapatatag ang ekonomiya at lipunan ng mga bansang kinaroroonan.

Ibinahagi ni Marcos sa mga OFWs ang mensahe niya sa katatapos na state of the nation address (SONA) gaya ng mga accomplishments at mga plano para sa kinabukasan tungo sa higit pag-unlad ng bansa.

Hindi rin itinanggi ng pangulo na ang pag-i-ikot niya sa mga bansa ay para makahikayat ng mga negosyo at nagtutuon para pahupain ang inflation at palakasin ang agricultural productivity para tiyakin ang food security.

Kailangan natin ng malaking-malaking investment. Kaya’t nag-iikot kami sa buong mundo at ipinapaalam natin sa lahat ng ating mga kaibigan at sa lahat ng ating mga magiging kaibigan na nandiyan na ang pilipinas, na maayos na ang takbo ng Pilipinas, handa na tayo para sila ay mag-invest,” dagdag pa ng punong ehekutibo.

Bukod sa nakatakdang audience sa haring Malaysia at pakikipagpulong sa mga lider ng Malaysian government, haharap din ang Pangulo sa mga negosyante sa layuning mapatatag ang relasyon at makahikayat ng pamumuhunan para Pilipinas.

Weng dela Fuente

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *