Finland at Sweden binabalaan ni Putin kaugnay sa isyu ng NATO
Sinabi ni President Vladimir Putin na ang pagsali ng Sweden at Finland sa NATO ay hindi magiging banta sa Russia, ngunit binalaan ang Western alliance na reresponde sila kung may dadalhing tropa o mga armas sa Nordic neighbours.
Ngayong bumibigat na ang pag-atake ng Moscow sa silangang hangganan ng mga rehiyon ng Ukraine sa halos tatlong buwang pananalakay nito, handa na ang Helsinki at Stockholm na isuko ang dekada nang military non-alignment nito sa pangambang sila na ang isusunod.
Nitong Lunes ay kinumpirma ni Swedish Prime Minister Magdalena Anderson, na mag-a-apply ang kaniyang bansa para sumanib sa NATO, isang araw matapos na ganito rin ang ipahayag ng Finland.
Ayon kay Putin . . . “The move poses no direct threat for us… but the expansion of military infrastructure to these territories will certainly provoke our response.”
Ang mas katamtamang reaksyon na ito ng pinuno ng Russia ay kaiba sa mga komento mula sa deputy foreign minister na si Sergei Ryabkov, na tinawag ang expansion na isang “grave mistake with far-reaching consequences.”
Ang hakbang ay hindi pa isang “done deal,” kung saan kinumpirma ng Turkish President na si Recep Tayyip Erdogan ang hangarin ng kanyang bansa na pigilin ang mga aplikasyon, na inaakusahan ang Finland at Sweden ng pagkukubli sa mga teroristang grupo, kabilang ang bandidong Kurdish militants.
Ayon sa justice ministry sources, ang Sweden at Finland ay nabigo na positibong tumugon sa 33 kahilingan sa extradition ng Turkey sa nakalipas na limang taon.
Ang anumang aplikasyon para sa pagiging miyembro ay dapat na nagkakaisang aprubahan ng 30 bansang miyembro ng NATO.
Subali’t nagpahayag ng tiwala si US Secretary of State Antony Blinken, na aanib pa rin ang Sweden at Finland sa NATO sa kabila ng pagtutol ng Turkey.