Fish shop sa Kuwait, ipinasara dahil sa plastic eyes na nilalagay sa panindang isda
Ipinasara ng mga otoridad ang Fish shop matapos mabulgar na nilalagyan nila ng plastic googly eyes ang paninda nilang mga isda, para mas magmukhang sariwa ang mga ito.
Ang pagpapasara sa hindi pinangalanang fish shop, ay kasunod ng nag-viral na litrato sa isang social media, kung saan makikitang natanggal o nalaglag ang plastic eye at tumambad ang naninilaw nang mata ng isda.
Bagamat nagalit ang ilang social media users dahil sa anila’y pandaraya, kung saan hiniling pa nila na pagmultahin ang naturang fish shop, ang ilan naman ay na-impress sa originality nito.
Nagsimula ang lahat matapos magpost ng isang short video ng Facebook user na si Ayman Mat, habang hinuhugasan niya ang isang isda at inalis ang plastic na mata nito.
Libong beses namang na-i-share ang nasabing video na umani pa ng napakaraming nakatatawang komento, pero hindi bumilib dito ang Kuwaiti Commerce Ministry kaya ipinasara nila ang fish shop.
=============