Fishing companies inireklamo ang BFAR at NTC
Nagpasaklolo na sa korte ang commercial deep-sea fishing companies para ipa-contempt ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at National Telecommunications Commission (NTC).
May kaugnayan ito sa sinasabing hindi pagtalima ng BFAR at NTC sa atas ng Malabon Regional Trial Court na nagpapawalang-bisa at nagpapatigil sa implementasyon ng Fisheries Administrative Order (FAO 266) dahil sa pagiging unconstitutional.
Sa kanilang petisyon, nais ng fishing companies na patawan ng indirect contempt at injunction ng korte ang mga respondent.
Kasunod umano ito ng banta ng BFAR na bigyan sila ng notice of violation at inirekomendang hindi sila mabigyan ng mga lisensya at iba pang dokumento na kailangan sa kanilang operasyon.
Giit nila, magdudulot umano ito sa kanila ng “grave and irreparable injury” at iba pang mga paglabag sa kanilang “constitutional right to due process”.
Sa ilalim ng FAO 266, inaatasan ang mga kumpanya na maglagay ng VMS-100 transreceivers sa kanilang mga barko kung saan sila ay natatrack sa kanilang mga operasyon sa ‘domestic waters’, ‘high seas’ pati na rin sa ‘distant waters’.
Ito ay bahagi umano ng pinaigting na kampanya laban sa illegal at unregulated fishing.
Pero giit ng fishing companies, lalabag ito sa kanilang constitutional rights to privacy at unlawful searches.
Ang VMS umano ay katulad ng global positioning system o GPS device kung kaya maibubunyag nito ang mga sensitibong impormasyon tungkol sa mga fishing grounds ng mga kompanya na kanilang inaral sa loob ng maraming taon.
Ang BFAR at NTC iniakyat naman sa Korte Suprema ang utos ng RTC pero hindi pa ito naaksyunan hanggang ngayon.
Madelyn Moratillo