Fishing Tycoon Francisco Laurel itinalaga ni PBBM bilang DA Secretary
May bago nang kalihim ang Department of Agriculture.
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pwestong kaniyang iiwan si Fishing Tycoon Francisco Tiu Laurel
Sa isang news conference sa Malacañang grounds, inanunsyo ng Pangulo ang appointment ni Laurel.
Sinabi ng Pangulo na tiwala siya sa kakayahan ni Laurel dahil sa karanasan nito at sa kakayahang magampanang mabuti ang pagiging kalihim ng DA.
“We have found somebody who understands very well the problems that agriculture is facing,” sabi ng Pangulo.
“The reason for the timing [of his appointment]… is that now we are confident that we have a fair understanding, a good understanding of what needs to be done.”
“I have known him since we were boys, kaya malakas ang loob ko na ma-appoint siya kasi kilala ko ang pagkatao niya. Alam kong napakasipag nito,” dagdag pa ng Punong Ehekutibo.
“Nauunawaan niya hindi lamang kung ano ang problema, kung hindi ang mga solusyon sa problemang yun. Bukod pa roon, kilala na niya ang mga taong, yung tinatawag na mga expert, professional. Madali niyang lapitan,” paliwanag pa ng Pangulo.
Buong puso namang tinanggap ni Laurel ang hamon ng Pangulo at agad na nanumpa sa kaniyang bagong tungkulin.
Sinabi ng bagong DA chief na malapit sa kaniyang puso ang mga mangingisda at magsasaka kaya tiyak na magiging sagana ang ani ng mga ito at makakarating sa hapag ng bawat Pilipino.
Bukod sa sapat na supply ng pagkain ay titiyakin din ng bagong kalihim na masustansiya at abot-kaya ang halaga ng mga produkto.
“Layunin ko na tiyakin na may sapat at may masustansiyang pagkain na mabibili ang ating mga kababayan sa tamang halaga. Susi dito ang modernisasyon ng sektor ng agrikultura kasabay ng pagbubuti sa kapakanan ng mga kapatid nating magsasaka at mangingisda,” pahayag ni Laurel.
“Lubos akong naniniwala na kaya nating mapalago ang produksyon ng agrikultura sa tulong ng ating Presidente. Ngunit hindi ko ito kakayanin nang mag-isa,” dagdag pa ng bagong kalihim sa hiling na ibigay sa kaniya ng mga taga-DA ang buong kooperasyon.
Pagtugon naman sa agriculture modernization, climate change, swine flu at avian flu ang ilan sa mga usaping pang-agrikultura na kasama sa marching order ng Pangulo sa kay Laurel.
“Tinatamaan tayo ng climate change… alam niyo nang lahat ang swine flu, alam niyo nang lahat ang avian flu na tumatama sa atin. Yan ang una nating… immediate term,” pahayag ni PBBM
“Tinitingnan natin ang ginagawa ng ating karatig-bansa… at baka mayroon tayong matututunan sa kanila na puwede nating [magamit] dito sa Pilipinas,” ayon pa sa Pangulo.
Bahagi si Laurel ng Private Sector Advisory Council (PSAC) ng Pangulo.
Si Laurel ang may-ari ng Frabelle Group of Companies at Presidente ng Agusan Power Corporation.
Nagsilbi rin siya bilang honorary consul sa Consulate of the Federated States of Micronesia sa Pilipinas noong 2006.
Sa report ng business news website, si Laurel ang isa sa top donors ni Pangulong Marcos noong panahon ng kampanya at eleksyon.
Nakababatang kapatid siya ng top food exporter na si Henson Tiu Laurel – dating Philosophy teacher sa UP Diliman at nakulong noong panahon ng martial law at Herman Tiu Laurel na isang democrat activists na nagboluntaryo noon para pangunahan ang Bataan Refugee Processing Center at naging head ng Phl-BRICS Institute.
Weng dela Fuente