Fixers na naniningil ng bayad sa OEC, Pinatutugis ni Senador Revilla
Pinatutugis ni Senador Ramon Bong Revilla Jr sa mga otoridad ang fixer na nambibiktima ng mga Overseas Filipino Workers.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng Department of Migrants Workers, sinabi ni Revilla na naglabas ang DMW Mobile APP-para sa OFW Pass na kasalukuyang nagsasagawa na ng pilot test run sa sampung bansa.
Pero ito rin aniya ang ginagamit ng mga fixer para mambiktima ng mga manggagawang pinoy.
Ayon sa Senador, umiiral pa rin ang Overseas Employment Certificate na dating may bayad na 100.
Samantalang libre naman ang OFW pass pero dahil sa kakulangan ng impormasyon ginagamit ito ng mga fixers para makapanloko at makapambiktima.
Natuklasan ni Revilla ang operasyon ng mga fixer sa Facebook na nagbebenta ng Overseas Employment Certificate o OEC -para sa balik manggagawa na karamihan sa mga biktima ay OFWs na sinisingil ng hindi pare-parehong halaga depende sa diskarte ng fixer.
Pinalalabas ng mga fixer na ang bagong OEC at ang bagong OFW pass ay iisa at kapalit ng naturang certificate ay mas mabilis na makapagpoproseso ng mga dokumento patungong ibang bansa at napakaraming OFW ang nakukumbinsi ngunit ang katotohanan ay wala itong bayad.
Hinikayat ni Revilla ang ahensya na dapat na magkaroon ng maliwanag na panuntunan hinggil dito at may masampulan sa mga nanloloko.
Meanne Corvera