Flood control project ng DPWH sa Marinduque, tapos na
Wala nang dapat na ipangamba ang mga naninirahan malapit sa Barangay Santol sa bayan ng Boac sa Marinduque tuwing may bagyo at malakas ang buhos ng ulan, dahil natapos na ang pagtatayo sa mahigit P18.2 milyong flood control project doon.
Sinabi ni Marinduque District Engineer Richard Emmanuel Ragragio, na tapos nang ayusin ang 112 linear meter flood control structure, na mayroong 9.0 meters steel sheet piles.
Sa ilalim ng Regular Infrastructure-General Appropriations Act of 2024, ang proyekto ay pinondohan ng DPWH ng P18,214,714.08.
Ayon kay Ragrario, “Ang sobrang dami ng tubig ay nagdudulot ng flash flood at pinsala sa mga buhay at ari-arian ng mga taga Brgy. Santol lalo na sa panahon na malakas ang buhos ng ulan at pag-apaw ng ilog, kaya sa pagtatayo ng Santol Flood Control na ipinatupad ng DPWH-Marinduque ay mas napo-protektahan na ngayon ang mga komunidad na malapit sa banta ng pagbaha.”
Sa pamamagitan ng bagong flood mitigation structure ay inaasahang mada-divert ang sobrang tubig mula sa mga ilog at sapa palayo sa mga bahay.
Magiging maayos na rin ang lagay ng mga daluyan ng tubig, maiiwasan ang waterlogging o pagbara sa mga kanal gayundin ang pagbaha sa mga patag na lugar.
Ang Santol Flood Control Project ay inaasahang makapagbibigay ng pangmatagalang kaligtasan sa mga mamamayang naninirahan malapit sa mga apektadong komunidad.