Food aid sa South Sudan, babawasan ng UN
Sususpendihin ng World Food Programme (WFP) ng United Nations (UN), ang food aid para sa 100,000 displaced people sa South Sudan dahil sa kakulangan ng pondo.
Ayon sa WFP, magsisimula ito sa susunod na buwan at tatagal hanggang sa Enero, kung saan 106,000 katao na naninirahan sa Juba, kapitolyo ng S. Sudan at maging sa Bor South county sa bayan ng Wau ang maaapektuhan.
Nagbabala pa ang WFP, na maaaring tumagal pa ang aid reduction kapag hindi naragdagan ang kanilang pondo.
Ayon kay WFP representative at country director Matthew Hollingworth . . . “Drastic times call for drastic measures. We are forced to take these painful decisions and stretch our limited resources to meet the critical needs of people.”
Nanawagan din ang ahensiya para sa dagdag na 131 million euros o $154 milyong ayuda.
Dagdag pa ni Hollingworth . . . “If funding levels continue to drop, we may have no choice but to make further cuts as the needs of vulnerable communities continue to outspace available resources.”
Una nang nagbabala noong Agosto ang OCHA, humanitarian agency ng UN ng kakulangan sa pondo, matapos na 54% lamang ng $1.7 billion na kailangan para pondohan ang mga programa sa S. Sudan ang kanilang natanggap.
Ayon sa World Bank noong 2018, apat sa lima katao mula sa 11 milyong populasyon ng Sudan ang nasa malubhang karukhaan, habang higit 60% ng populasyon ang nakararanas ng labis na kagutuman mula sa pinagsamang epekto ng mga pagbaha, hidwaan at tagtuyot.
Simula nang magsarili mula sa Sudan noong 2011, ang South Sudan ay nasa bingit na ng krisis pang-ekonomiya at pang-pulitika, at nagpupumilit na makabangon sa resulta ng limang taong civil war na ikinasawi ng halos 400,000 katao.