Food Allergy, hindi dapat na balewalain-ayon sa mga eksperto
Pinag iingat ng mga allergist ang publiko sa mga pagkaing kanilang babaunin lalo na ngayong panahon ng outing at family bonding.
Ayon kay Dra. Carmela Agustin-Kasala, isang allergist mula sa Philippine Society of Allergy, Asthma and Immunology o PSSAI Incorporated, maraming mga kababayan natin ang nakararanas ng food allergy.
Bawat tao ay may kani-kaniyang body reaksyon sa mga uri ng pagkaing kinakain.
Sinabi ni Kasala na posibleng magkaroon ng allergy sa kahit anong pagkain.
Sa panig aniya ng mga kabataan, mataas ang porsyento ng food allergies.
May pitong uri umano ng pagkain na dito ay maaaring allergic ang isang tao lalo na ang mga bata.
Kabilang dito ay mga produktong may gatas, soya, shellfish, wheat, gluten, mani at puti ng itlog.
Ayon pa kay Kasala, ang mga sintomas ng allergy ay hindi pare- pareho.
Ito ay nag-iiba base na rin sa edad ng isang tao.
Ang magandang balita, hindi naman umano pang-habambuhay ang nararanasang allergy dahil madali itong gumaling lalo na kung maaagapan.
Dra. Ma. Carmela Kasala, Pediatrics- Allergy and Immunology
“Some foods allergy ay hindi naman forever, so in this case walang forever, pero, meron ibang mga allergens hindi ho pare pareho noh, merong mga food allergens na medyo matagal tagal bago mawala, kung mawawala man, pero may mga food allergies na nawawala like kunyari ung cow milk, pag baby meron pero mga start ho uli ng mga 1 or two years na cow milk preparations pwede na so its a matter of waiting”
Binigyang diin pa ni Kasala na bagaman ang allergy sa pagkain ay simpleng karamdaman at karaniwan lang….hindi ito dapat na balewalain dahil maaaring lumala.
Ilan sa sintomas na dapat bantayan ay hirap sa paghinga, pamamanas, mataas na lagnat at mga rashes sa ibat’ibang bahagi ng katawan.
Mahalaga anya na kumunsulta agad sa manggagamot lalo na sa mga allergist kung nararanasan ang alin man sa mga nabanggit na sintomas.
Ulat ni Belle Surara