“Food stamps” program, ikinukunsidera ng Marcos administration
Inilalatag ng Marcos administration ang implementasyon ng panukalang “food stamps” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng Official Development Assistance (ODA) na pinopondohan ng Asian Development Bank (ADB).
Sa sidelines ng ADB Reception sa kanilang headquarters sa Mandaluyong City, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na malaking tulong ang proposed “food stamps” program para sa mahihirap na Filipino.
Naging epektibo raw ang nasabing programa sa ibang bansa.
“One of the things that is in the pipeline, that is being developed, that is going to be of great assistance to our people, is a proposal by the DSWD for a food stamp program which, surprisingly, we have never had,” paliwanag ni Pangulong Marcos.
“But it is something that we can look at. It has been effective in other countries,” dagdag pa ng punong ehekutibo.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang maraming oportunidad na naipagkaloob ng ADB sa Pilipinas gaya ng partnership sa pagitan ng multi-national bank at ng Civil Service Commission (CSC) para sa digitalization ng serbisyo at operasyon ng ahensya.
Kinilala rin ng Pangulo ang mahalagang papel ng ADB sa development efforts ng bansa.
Nakipagpulong si Pangulong Marcos kay ADB President Masatsugu Asakawa at sa iba pang opisyal para talakayin ang mga programa na handa nang ipatupad sa Pilipinas.
Sinabi ng Chief Executive na ang ADB ang pinakamalawak na ODA na sumusuporta sa Pilipinas
“Now, the scope of the ODA assistance that we get through ADB has now increased. And we are talking about agriculture, we are talking about re-skilling and re-training. We are talking about, of course, climate change and its mitigation and adaptation efforts,” dagdag pa ng Pangulo.
Tinalakay din ng Pangulo kay Asakawa ang pagsusulong ng programa na natalakay sa katatapos na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) conference sa Indonesia kabilang ang food at energy security, gayundin ang suporta sa nano businesses at micro, small, at medium enterprises (MSMEs), at integration nito sa global economy.
Weng dela Fuente