Foreign arrivals sa PH, umabot sa mahigit 1M mula nang buksan ang bansa sa mga turista
Nakapagtala ang bansa ng 1.1 milyong foreign arrivals mula nang buksan muli ang international borders ng Pilipinas para sa mga dayuhang turista.
Ito ang inihayag ni Tourism Secretary Christina Frasco sa tourism summit ng Cebu Chamber of Commerce and Industry.
Dinaluhan ito ng 200 stakeholders mula sa LGUs, tourism businesses, at Cebu Chamber of Commerce and Industry.
Ayon kay Frasco, ang mahigit isang milyong tourist arrivals ay mula Pebrero ngayong taon hanggang Agosto 7.
Sa datos ng DOT, 12% ng total gross domestic product ng bansa ay galing sa turismo bago ang pandemya.
Sinabi ng kalihim na batay sa projections ng DOT ay mababawi ng tourism industry ang mga nalugi rito bunsod ng pandemya at manunumbalik sa pre-pandemic levels sa loob ng tatlong taon.
Kampante si Frasco na magkakaroon ng resurgence ang industriya ng turismo sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng institutional reforms.
Kabilang sa main objectives ng DOT na ipupursige nito ay ang improvement ng tourism infrastructure at accessibility; at maximization ng domestic tourism.
Inihayag pa ni Frasco ang plano ng DOT na pag-streamline sa travel protocols para sa mga turista at pag-rebisa sa accreditation requirements para sa mga negosyo.
Inanunsiyo rin ng kalihim ang pag-develop ng DOT ng bagong regional tourism circuits na magtatampok sa nature-based tourism, food and gastronomy, heritage and culture, farm and agri-tourism, health and wellness, at sa sining.
Moira Encina