Former PS-DBM Director Lloyd Christopher Lao, humirit na payagang mag-abroad
Umapila sa Senate Blue Ribbon Committee si Attorney Lloyd Christopher Lao, dating director ng procurement service ng Department of Budget and Management o DBM , na payagan na syang makapagbiyahe sa labas ng bansa .
Sumulat si Lao kay Senator Francis Tolentino na Chairman ng Blue Ribbon Committee at hiniling na isyuhan na siya ng certification ,katunayang wala na siyang pending case, contempt charges, o anumang warrant of arrest sa komite.
Si Lao ay isinailalim sa lookout bulletin ng Bureau of Immigration noong Setyembre ng nakaraang taon batay sa request ng Senado.
Inisyuhan ito ng warrant of arrest sa kabiguang makipagtulungan sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa umano’y anomalya sa biniling medical supplies laban sa COVID-19 para sa Department of Health.
Batay sa rules ng Senado wala ng bisa ang anumang kaso laban kay lao matapos ang sine die adjournment ng 18th Congress.
Ayon kay Senador Francis Tolentino na Chairman ng komite, ikokonsulta muna ang isyu sa mga miyembro ng komite pero habang wala pang desisyon ang buong komite mananatili muna ang lookout order laban kay Lao.
Dumalo si Lao thru online sa pagdinig ng komite sa isyu naman ng overpriced na mga laptop na binili ng PS-DBM para sa Department of Education.
Meanne Corvera