France, naghigpit ng curfew sa ilang rehiyon
PARIS, France (AFP) — Inanunsyo ng gobyerno ng France, na daragdagan nila ang dalawang oras ang ipinatutupad nilang nighttime curfew sa 15 rehiyon, upang makatulong sa paglaban sa coronavirus, habang nananatiling mataas ang bilang ng nahahawaan nito.
Kabilang sa 15 sa 101 departamento na maaapektuhan ng pagbabago simula ngayong Sabado, kung saan ang curfew ay magsisimula na ng ala-6:00 ng gabi sa halip na alas-8:00 ng gabi, ay ang Les Alpes-Maritimes department kung saan naroon ang Mediterranean city ng Nice.
Ang iba pang lugar ay pawang nasa silangan ng France. Ang Paris naman ay hindi kabilang sa maaapektuhan ng pagbabago.
Sinabi ng tagapagsalita ng gobyerno na si Gabriel Attal, na ang virus ay patuloy na kumakalat sa France, subalit may pagkakaiba-iba sa bawat rehiyon.
Aniya, kapag ang sitwasyon ay lumala pa sa ilang lugar, ay gagawin na nila ang kaukulang hakbang.
Ang pagdaragdag sa oras ng curfew ay bunsod ng matinding pangamba ng mga alkalde, na bumigay na ang kanilang local health systems dahil sa pagdami ng bagong mga kaso.
Kinumpirma rin ni Attal, na ang mga teatro, sinehan at concert halls ay hindi na maaaring muling magbukas simula sa January 7, ang pinakahuling petsang ibinigay para sa kanilang pagsasara.
Samantala, ipinagtanggol naman ni Attal ang galaw ng vaccination campaign ng France laban sa COVID-19, kung saan 332 katao pa lamang ang nababakunahan kumpara sa higit 130,000 sa Germany mula nang mag-umpisa sila nitong nakalipas na weekend.
© Agence France-Presse