Frankfurt pharma hub, pinaghahandaan na ang magiging trabaho nila sa paghahatid ng COVID-19 vaccines
FRANKFURT AM MAIN, Germany (AFP) – Habang malapit nang aprubahan ang mga COVID-19 vaccines, pinaghahandaan naman ng Frankfurt Airport staff ang kakaharaping hamon sa paghahatid ng milyun-milyong doses ng bakuna sa buong mundo.
Ang Frankfurt ang pinakamalaking hub ng Europe para sa paghahatid ng pharmaceutical goods, at magiging susi sa tagumpay ng pagbabakuna ng milyun-milyong katao laban sa nakamamatay na coronavirus.
Sinabi ni Karin Krestan, director of operations ng Lufthansa Cargo, tumitindina ang stress habang papalapit ang ‘hot phase.’
Tiwala si Krestan, na handa na ang kaniyang team para sa kakaharaping trabaho.
Ang totoo ayon naman kay Max Philipp Conrady, head ng freight infrastructure sa Fraport, Agosto pa lamang ay nakahanda na sila.
Round the clock na ang naging trabaho sa Frankfurt cargo terminal mula nang mag-umpisa ang pandemya, kung saan nagdedeliver sila ng mga gamot, surgical gowns at masks at umaayuda sa global supply chains, matapos bumagsak ang bilang ng mga pasahero at ang mga eroplano ay hindi na nagsipagbyahe.
Ayon kay Krestan, ang Frankfurt ay may 2,000 square metres (21,500 square feet) ng cold storage, na naka-set sa 2 – 8 degrees Celsius (36 to 47 degrees Fahrenheit), na ideal para sa mga bakuna.
Kamakailan ay nag-invest ang Fraport sa high-tech refrigerated “dollies” na para magdala ng vaccines mula cold-storage hangars patungo sa mga eroplano, at ngayon ay mayroon na silang 20 o higit pang freighters na pwedeng pagkargahan nang sabay sabay.
Ang ilang bakuna gaya ng dinivelop ng AstraZeneca at Oxford University, ay maaaring ibiyahe sa normal refrigerator temperatures.
Subalit ang dinivelop ng Pfizer sa BioNTech lab sa Mainz, na nasa 20km (12 miles) mula sa Frankfurt airport, ay dapat na mamalaging nasa -70 degrees C (-94 F).
Kakailanganin nito ng car-sized containers na gagamit ng dry ice para manatili sa stable, ultra-low temperatures, at kaya nitong tumagal ng hanggang 120-oras nang walang power supply, na sapat ang tagal para makarating sa napakalalayong mga destinasyon.
Bagamat ang paliparan ay may kapasidad para sa extra-cold freight, tinukoy ni Krestan na ang flight capacity ay magiging isang major factor sa magiging bilis ng distribusyon.
Sa pagtaya ng air transport association na IATA, para makarating ang isang single dose sa halos walong bilyong tao sa buong mundo, kakailanganin ng 8,000 jumbo jets.
Sinabi ni Conrady, na nakikipag-ugnayan na ang Fraport sa mga manufacturer para pag-aralan kung paano ma-o-optimise ang air traffic.
© Agence France-Presse