French na wanted sa iligal na droga sa France, arestado sa Pampanga
Arestado ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Immigration, PNP at militar ang isang French fugitive na wanted sa kanyang bansa dahil sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
Kinilala ng BI ang naarestong dayuhan na si Julien Barbier, 39 anyos, na naaresto sa Clark International Speedway, Mabalacat City, Pampanga.
Ayon kay BI Fugitive Search Unit Chief Bobby Raquepo, si Barbier ay inaresto kasunod ng komunimasyon mula sa French authorities na si Barbier ay wanted sa France.
Nabatid na 2018 pa aniya ng simulang imonitor ng Interpol si Barbier dahil sa pagbebenta ng iligal na droga sa France.
Sinabi ni Raquepo na may natanggap rin silang impormasyon na si Barbier ay sangkot sa illegal bank fraud syndicate dito sa bansa na nag operate naman sa Pampanga at Cebu.
Bago naman dalhin sa immigration jail facility ang nasabing dayuhan ay isasailalim muna ito sa RT PCR test.
Una rito, tinangka pa aniya ni Barbier sa tulong ng 2 pinoy na kasama nito na suhulan ang mga aaresto sa kanya ng 1.5 milyong piso kapalit ng kanyang kalayaan.
Kaya naman naglunsad ng entrapment operation ang BI sa tulong ng pulisya upang maaresto rin ang 2 pinoy na kasama ni Barbier.
Madz Moratillo