French police union nagbantang guguluhin ang Olympics torch relay
Nagbanta ang isang unyon ng mga pulis sa France, na guguluhin nila ang Olympics torch relay na gaganapin bago ang simula ng Paris Games sa Hulyo, maliban nang bigyan sila ng bonuses.
Sinabi ng Alliance union, na hinaharang ng tanggapan ng prime minister ng France at economy ministry ang special Olympics payments na ipinangako sa pulisya na aabot sa 1,900 euros ($2,032).
Nagbanta na ang unang demonstrasyon ay ipatatawag ngayong Huwebes, sinabi ng unyon na maaaring masundan ito ng iba pang mga pagkilos, at posibleng kasama na rito ang panggugulo sa torch relay.
Ang banta ay upang bigyang-diin ang hamon para sa mga awtoridad ng France, habang nakikipagnegosasyon sila tungkol sa Olympics bonuses para sa public sector staff, na inatasang magtrabaho sa panahon ng tradisyunal na summer holiday.
Ang CGT na pinakamalaking unyon na kumakatawan sa staff sa civil service, ay nagpalabas ng banta ng welga mula sa kanilang mga miyembro sa buong panahon ng Olympics na magsisimula sa July 26.
Ang torch relay naman ay nakatakdang magsimula sa Marseille sa May 8.
Nag-anunsiyo rin ang militanteng air traffic controllers ng France na magsasagawa ng welga ngayong Huwebes, bagama’t noong Setyembre ay nangako sila ng isang “Olympic truce.”
Ang mga manggagawa naman sa national mint na siyang gumagawa ng mga medalya para sa mga mananalong atleta ay naka-welga na, kung saan humihingi sila ng mga bonus para sa anila’y “highly demanding work.”
Noong Pebrero, nang tanungin tungkol sa panganib ng mga paghinto sa trabaho ay sinabi ng chief Games organiser na si Tony Estanguet, “I hope that we welcome the whole world in the best possible conditions and that we don’t ruin the party.”
Ang 2024 Paris Olympics ay idaraos simula July 26 hanggang August 11, at susundan naman ng Paralympics sa August 28 hanggang September 8.