Fuel subsidy, hindi dapat masakop ng Comelec ban
Hindi dapat masaklaw ng ban ng Commission on Elections sa paggastos ng gobyerno ang ipinapamahaging ayuda para sa mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan.
Ito ang sinabi ng mga Senador sa pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na ipatitigil muna ang pamamahagi ng fuel subsidy dahil Election ban ng Comelec.
Pero giit ni Senador Francis Tolentino, walang kinalaman sa pulitika ang pamamahagi ng fuel subsidy at ito ay ayuda ng gobyerno sa sektor na matinding tinamaan sa mataas na presyo ng gasolina.
Ayon kay Tolentino, dapat agad resolbahin ng Comelec ang isyu dahil apektado ang mga tsuper.
Umapila naman si Senador Grace Poe sa Comelec na madaliin ang pagpapalabas ng desisyon sa apila ng LTFRB na payagan na ipagpatuloy ang pamamahagi ng fuel subsidy.
Ayon kay Poe na Chairman ng Senate Committee on Public Services, matagal nang naghihintay ng tulong ng gobyerno ang mga tsuper at operators dahil sa kumakalam na sikmura ng kanilang pamilya.
Simula aniya nang ipalabas ang tatlong bilyong pisong pondo, hindi pa man lang umabot sa kalahati ng natukoy na 377,000 benepisyaryo ang nakatanggap na ng ayuda bago ibaba ang election ban.
Dismayado ang Senador na sinuspinde ang pamamahagi ng subsidiya ngayong marami ang nagugutom dahil sa mataas na presyo ng krudo at epekto ng pandemya .
Meanne Corvera