Full approval, ibinigay na ng US sa Pfizer
WASHINGTON, United States (AFP) – Ibinigay na ng US Food and Drug Administration (FDA) ang full approval sa Covid-19 vaccine ng Pfizer, isang hakbang na inaasahang pagsisimulan ng panibagong pag-uutos tungkol sa pagbabakuna sanhi na rin ng paglaganap ng Delta variant sa bansa.
Sinabi ni acting FDA Commissioner Janet Woodcock . . . “The FDA’s approval of this vaccine is a milestone as we continue to battle the Covid-19 pandemic.”
Ang Covid vaccine na ngayon ay ipagbibili sa ilalim ng brand name na Cormirnaty, ang unang nabigyan ng full approval.
Milyun-milyong vaccine shots ang naibigay na sa ilalim ng emergency use authorization (EUA), na ipinagkaloob noong December 11, 2020.
Ang desisyon na bigyan ng approval ang Pfizer, ay base sa updated data mula sa clinical trial ng bakuna, kabilang na ang mas pinahabang follow-up, kung saan inalam ang kaligtasan at bisa nito sa higit 40,000 kataong lumahok sa trial.
Una nang inanunsiyo ng US military na ipag-uutos nito ang pagpapabakuna sa sandaling makakuha ng full approval ang Pfizer, at inaasahang susunod na rin dito ang maraming mga negosyo at mga unibersidad.
Ang bakuna ay namamalaging available sa ilalim ng emergency use authorization sa mga batang edad 12-15 ngunit ngayon na fully approved na, ay maaari na itong ibigay ng mga manggagamot sa mga batang wala pang 12 anyos, kung naniniwala silang makabubuti ito.
Agence France-Presse