Full assessment report ng DND at AFP hinihintay na ni Pangulong Duterte para malaman kung palalawigin pa ang Martial Law sa Mindanao
Hinihintay na ng Malakanyang ang full assessment report mula sa Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines para makapagpasiya si Pangulong Duterte kung palalawigin pa ang Martial Law sa Mindanao.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang rekomendasyon nina Defense Secretary Delfin Lorenzana bilang Martial Law administrator at AFP Chief of Staff General Eduardo Ano bilang Martial Law implementor ang gagawing basehan ng Pangulo kung palalawigin pa ang Martial Law sa Mindanao dulot ng terorismong inihahasik ng Maute group sa Marawi City.
Ayon kay Abella hintayin na lamang ang desisyon ng Pangulo sa usapin ng extention ng Martial Law sa Mindanao.
Magpapaso na sa July 22 ang bisa ng Proclamation 216 na nagsailalaim sa Martial Law sa buong Mindanao dahil sa ginawang pananakop ng teroristang Maute group sa Marawi City.
Ulat ni: Vic Somintac