Full Cabinet meeting, ipatatawag ni Pangulong Duterte sa Lunes para sa General Assessment ng bansa sa Covid-19
Malalaman ang buong sitwasyon ng bansa sa gitna ng Pamdemya ng Covid-19 sa isasagawang full cabinet meeting na ipapatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque ang agenda ng cabinet meeting sa Lunes ay may kinalaman sa pagsasagawa ng assessment sa sitwasyon ng bansa mula ng magpatupad ng total lockdown noong buwan ng Marso dahil sa Covid-19 Pandemic.
Ayon kay Roque nagkaroon na ng presentation kay Pangulong Duterte si National Economic Development Authority (NEDA) Acting Director General Karl Chua hinggil sa naging epekto sa kabuhayan ng pananalasa ng Covid- 19 kung saan umurong ang economic growth ng bansa.
Inihayag ni Roque ang negatibong epekto ng Covid-19 sa ekonomiya ng bansa ang pangunahing dahilan kaya isinusulong ng mga economic advisers ng pamahalaan ang full operation na ng lahat ng mga negosyo para makabangon ang kabuhayan kahit sa huling quarter ng taong kasalukuyan.
Niliwanag ni Roque, pinag-aaralang mabuti ng pamahalaan partikular ng Inter Agency Task Force (IATF) ang pagbalanse sa epekto sa buhay at kabuhayan ng patuloy na pananalasa ng Covid-19 sa pamamagitan ng Ingat Buhay para Makapaghanap Buhay campaign program.
Vic Somintac