Full operations ng MRT-7 target ng DOTr sa 2023
Target ng Department of Transportation (DOTr) na maging fully operational na ang Metro Rail Transit-7 (MRT-7) pagdating ng 2023.
Ayon kay Transportation Undersecretary Timothy Batan, ang partial operations ng linya na tatakbo mula North Avenue, Quezon City, hanggang San Jose del Monte, Bulacan ay inaasahan ngayong 2022.
Aniya, magdudulot ito ng malaking ginhawa sa mga mananakay dahil mababawasan ang oras ng biyahe mula San Jose del Monte hanggang North Avenue, ng 30-minuto mula sa dating dalawang oras.
Una nang sinabi ng DOTr na ang MRT-7 kapag nakumpleto na, ay makapagsisilbi sa average na 300,000 hanggang 500,000 mga pasahero kada araw.
Nagsimula ang konstruksiyon ng MRT 7 noong April 2016.
Noong September 7, 2021, kabuuang anim na bagon ng tren na gagamitin sa linya ang dumating sa bansa galing sa South Korea.