Fully-vaccinated health care workers, maaari nang mag-avail ng COVID-19 booster shots simula sa November 17
Maaari nang mag-avail ng COVID-19 booster shots, ang lahat ng fully-vaccinated health care workers simula bukas, Nobyembre 17.
Ayon sa Department of Health (DOH), base sa Emergency Use Authorization na inisyu ng Food and Drug Administration (FDA), inirerekomenda ng ahensiya ang paggamit ng Moderna, Pfizer, o Sinovac bilang booster anuman ang brand ng bakunang unang itinurok sa kanila.
Dagdag pa ng DOH, ang Sinovac ay ibibigay din bilang booster para sa mga una nang nabakunahan din ng Sinovac. Ang guidelines ay ilalabas ng National Vaccination Operations Center ngayong Martes.
Natuklasan ng Chinese scientists, na ang antibodies na nati-trigger ng COVID-19 Sinovac vaccine ay nababawasan o bumababa, mga anim na buwan matapos ang second dose.
Ang naturang pag-aaral ay hindi pa sumasailalim sa peer-review.
Para sa Pfizer, lumitaw sa dalawang malalaking real-life studies na isinagawa ng Cornell University researchers at nalathala sa New England Journal of Medicine, ang mababang immune response at protection responses laban sa infection, lima hanggang pitong buwan matapos ang second dose.
Sa isang pag-aaral naman na nalathala sa Science journal ngayong Nobyembre, lumitaw na ang bisa ng Moderna vaccine ay bumaba ng 58.0% mula sa 89.2%, anim na buwan makalipas ang second dose.