Fungal Infection maaaring lumitaw sa ibat ibang bahagi ng balat ayon sa eksperto
Isa sa mga skin disease na dapat bantayan ng isang tao ay ang fungal infection.
Sa panayam ng Radyo Agila kay Dr. Grace Carole Beltran, isang dermatologist, sinabi niya na ang fungal infection ay sakit sa balat na dulot ng tinatawag na fungi.
Ito ay maliliit na organism na makikita sa kapaligiran.
Ayon kay Dra. Beltran, bagamat hindi lahat ng fungi ay nakasasama sa kalusugan, may ilan na maaaring magdulot ng pinsala sa kalusugan.
Kabilang sa sintomas ng fungal infection ay parang kaliskis na balat, pamamaga, pamumula, pagbubutlig at pangangati.
Sinabi din ni Dra. Beltran na ang fungal infection ay maaaring lumitaw sa ibat ibang bahagi ng balat, halimbawa ay sa talampakan, kuko sa kamay, paa at sa maseselang bahagi ng katawan.
Payo ni Dra. Beltran upang maiwasan ang fungal infection ay panatilihin ang malinis na katawan at kapaligiran, pagpapalakas ng resistensya sa pamamagitan ng tamang diet, exercise, sapat na pahinga at tulog.