G7 humihingi ng mas mahigpit na parusa para sa North Korea, kaugnay ng pinakabagong paglulunsad ng missile
Binatikos ng mga bansang bumubuo sa G7 ang “walang ingat” na paglulunsad ng North Korea ng isa pang intercontinental ballistic missile, at nanawagan sa United Nations (UN) Security Council na gumawa ng karagdagang “makabuluhang” aksyon upang mahinto ang mga test.
Sinabi ng foreign ministers mula sa Group of Seven nations, “Repeated launching of missiles by North Korea ‘further destabilizes’ the region, despite calls from the international community for peace and stability.”
Lumilitaw na ang missile ng North Korea na pinakawalan noong Biyernes, ay ang pinakabago nilang ICBM na may potential range na tumama sa US mainland.
Ang statement ng G7 ay nananawagan para sa isang “united and robust response by the international community, including the need for further significant measures to be taken by the UN Security Council.”
Ang G7 ay binubuo ng Canada, France, Germany, Italy, Japan, Britain at ng Estados Unidos. Isa namang kinatawan ng European Union ang sumama rin sa statement.
Hanggang sa buwan na ito, ang North Korea ay pinaniniwalaang nakapagpakawala na ng 30 short-, medium- at long-range missiles, kabilang ang paglulunsad nitong Biyernes na bumagsak sa exclusive economic zone ng Japan sa kanluran ng Hokkaido.
Ayon naman sa North Korean state news agency na KCNA, ang missile na pinakawalan nitong Biyernes ay ang pinakabagong variant ng Hwasong-17, na itinuturing na “pinakamalakas na strategic weapon sa buong mundo.”
Sinabi pa ng KCNA, na sinaksihan ni North Korean leader Kim Jong Un ang paglulunsad noong Biyernes kasama ang anak niyang babae.
Mas maraming inilunsad na missiles ang North Korea ngayong 2022 kumpara sa alinmang naunang mga taon.
Halos isang dosenang resolusyon naman ang naipasa na ng UN Security Council na nagpapataw ng sanctions sa North Korea, kaugnay ng kanilang nuclear at missile tests simula pa noong 2006.
Ang North Korea ay nagsagawa ng nuclear bombs test sa pagitan ng 2006 at 2017, at nangakong hindi nila ihihinto ang kanilang nuclear program.
Binigyang-diin sa statement ng G7 ang kahilingan na malansag na ang nuclear program ng North Korea, at sinabing kailanman ay hindi magkakaroon ang nasabing bansa ng isang “nuclear-weapon state status.”
© Agence France-Presse