Galit at sama ng loob sa kaniya ng unang ginang, binalewala ni VP Sarah

Photo: deped.gov.ph

Binalewala ni Vice President Sara Duterte, ang galit at sama ng loob sa kaniya ni First Lady Liza Araneta Marcos.

Una nang sinabi ng unang ginang na na-offend siya kay VP Sara matapos itong dumalo sa isang political rally kung saan tinawag ng kaniyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte, na bangag si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Sa isang video message, sinabi ni VP Sara na walang kinalaman sa kaniyang mandato bilang pangalawang pangulo ang personal na damdamin ng unang ginang.

Sa halip, sinabi ni Duterte na sila na lamang ni Pangulong Bongbong Marcos ang mag-uusap sa isyung ito.

Ayon kay Duterte, “Mga kababayan, bilang tao, karapatan ni Unang Ginang Liza Marcos na makaramdam ng sama ng loob at galit. Subalit ang kaniyang personal na damdamin ay walang kinalaman sa aking mandato bilang isang opisyal ng pamahalaan. Upang makausad tayo, iiwan na natin sa isang pribadong pag-uusap sa pagitan na lamang namin ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., ang mga susunod na hakbang.”

Iginiit ni Duterte na mas mabuting tigilan na ang usapin at mag-focus na lamang sa mga kinakaharap na problema ng bansa at ng mamamayang Pilipino na dapat bigyan ng tugon.

Kabilang na rito ang nananatiling problema sa pagtaas ng presyo ng pagkain, kakulangan ng suplay ng tubig at kuryente at problema sa ilegal na droga.

Apela ng bise presidente, unahin ang kapakanan ng mamamayan.

Sinabi niya, “Patuloy ang pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang mga bilihin, at ito ay mas nagpapahirap pa sa dinaranas na gutom o kawalan ng sapat na pagkain ng mahihirap nating kababayan. Nagbabadya rin ang kakulangan ng tubig at kuryente habang talamak naman ang ipinagbabawal na droga. Samantala, hindi natatapos ang banta ng insurhensiya s ating bansa.”

Meanne Corvera

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *