Gamaleya Research Institute ng Russia, umatras na sa clinical trial ng Sputnik V anti-COVID vaccine sa Pilipinas – DOST
Nagbigay na ng abiso sa Department of Science and Technology (DOST) ang Gamaleya Research Institute ng Russia para iurong ang planong pagsasagawa ng clinical trial sa Pilipinas ng anti COVID 19 vaccine na Sputnik V.
Sa Laging Handa Virtual Press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DOST Undersecretary Rowena Guevarra na nagsabi na ang Gamaleya Research Institute na hindi na itutuloy ang pagsasagawa ng clinical trial ng Sputnik V anti COVID 19 vaccine sa bansa.
Ayon kay Guevarra, sa halip na clinical trial ay mag-aapply na lamang ang Gamaleya Reserach Institute sa Food and Drug Administration o FDA ng Emergency Use Authorization para sa Sputnik V anti COVID 19 vaccine.
Inihayag ni Guevarra na mas mapapabilis ang transaksyon ng pamahalaang Pilipinas sa Gamaleya dahil ang kanilang hinihingi ay Emergency Use Authorization upang magamit na sa bansa ang Sputnik V anti COVID 19 vaccine na sinasabing 91.4 percent ang efficacy.
Kung pagtitibayin ng FDA ang Gamaleya Sputnik V ang ikatlong bakuna na nag-aaply ng Emergency Use Authorization sa bansa dahil nauna na ang Pfizer Biontech ng Amerika at AstraZeneca ng United Kingdom.
Vic Somintac