Ganito Sila Noon
Habang humihigop ng mainit at masustansiyang tsaa, pag-usapan natin ang mga panahong wala pang sira ang ozone layer, ha ha ha , may katagalan na ano? Naalala ko si Lola Pelang pag nakita n’yang maaliwalas ang kulay asul na kalangitan ay maaari na siyang mag-almirol. Hindi pwedeng mag-almirol kapag di masikat ang araw kasi babaho mga inalmirulan dahil sa gawgaw.
Teka, para sa mga nagbabasa ngayon na hindi inabot ang pag-aalmirol … ito ay tinunaw na gawgaw (starch) sa tubig sa batya at lalagyan ng mainit na tubig depende sa timpla ng nag-aalmirol. At duon isa-isa aalmirulan ang mga unan, kumot, kulambo, kamisola, karsonsillo (brief ngayon) kamison (lady chemise) kurtina. Ang almirol ay proteksyon para huwag madaling marumihan mga cotton na tela.
Sa panahon ngayon ay hindi mo na rin mahuhulaan kung kailan bubuhos ang ulan, kahit pa maaliwalas ang kalangitan, kaya’t wala na rin yatang nag-aalmirol ngayon. Samantala, kung patalbugan naman sa pagluluto siguradong mahirap tapatan ang aking Tia Sion, dahil sa kanyang simple subalit masarap na recipe na kung tawagin ay Patalbog na niluto sa palayok. Mula sa hugas bigas, lalagyan nya ito ng halubaybay – isang uri ng bagoong isda, at habang kumukulo, lalagyan niya ito ng kamatis at sibuyas. Marahil ay itatanong ninyo kung bakit tinawag na Patalbog ang lutong ito? Kasi naman, ihuhulog o itatalbog sa kumukulong palayok ang mga gulay na talong, okra, at ampalaya … at wala itong kasamang pampalasa o vetsin. May dalawa pa siyang masarap na putahe- pangat na lumulundag pang biya o ayungin. Lalagyan niya ng kamatis o kaya’y hilaw na mangga, o santol o hilaw sampalok o kamias … ay ang sarap kumain na naka-kamay lang. Natural pa ang mga pang-asim noon at andun lang sa bakuran ang mga puno nito.
Ikwento ko na rin sa inyo, noon sa Nueva Ecija, sa tuwing may daraan sa tapat ng isang tahanan, nakaugalian na nilang sumigaw ng “Tatang makikiraan po!”, na sasagutin naman din ng pasigaw ng may-ari ng bahay ng, “Sige anak!” Ito ay kahit hindi naman sila magkamag-anak o kahit hindi pa personal na magkakilala.
Eto pa, meron pa bang nanghaharana ngayon ? Usung-uso noon ang harana sa San Ildefonso, Bulacan at maging sa ibang mga probinsya lalo na sa mga kabukiran. Isang paraan ito ng panliligaw gamit ang awit at gitara. Subalit lingid sa kaalaman ng maraming kabataan ngayon, hindi basta-basta ginagawa ang harana noon na gaya ng paraan ng panliligaw ngayon. Bago mang-harana, kailangan munang magpaalam ang maghaharana kasama ang padrino o iginagalang na mga matatanda sa lugar sa mga magulang ng babaeng kanyang haharanahin.
At nakadungaw ang dalaga sa bintana habang ang nanghaharana ay nasa ibaba ng bahay kasama ang kanyang padrino at pagkatapos ng harana ay paakyatin na siya…mga bahay nuon ay may hagdanan kaya nga ang tawag ay “akyat ng ligaw” at iyun na ang umpisa ng panliligaw.
Matagal ba ang ligawan noon? Isa o dalawang taon ang karaniwang itinatagal ng panliligaw noon bago ibigay ng dalaga ang kanyang “matamis na oo” sa nanliligaw sa kanya. Ikinuwento sa akin ng aking Lolo Talyo kung paano niya nasungkit ang “matamis na oo” ng magandang Lola Gundang. Mula sa pagkabata ay hindi na nakapagsuot ng anomang pangyapak dahil korteng luya ng daliri ng kanyang mga paa. Bukod pa dito, may konting pagkahukot pa siya. May pagkakahawig din siya sa komedyanteng aktor na si Pugak, pero sa kabila ng lahat ng ito ay lakas loob pa rin siyang nanligaw kay Lola Gundang. Sa mahabang panahon ay patuloy na nanligaw si Lolo kay Lola, subalit ayaw daw siyang sagutin ni Lola Gundang, hanggang sa mangyari ang hindi inaasahan.
Alam n’yo ba ang nangyari? – nautot daw ang Lola Gundang. at napahiya! Ang lolo Talyo ay komedyante at humiyaw sa sobrang tuwa at ang sabi daw nya…Gundang!! …ang damot mo talaga..sasagutin mo lang din pala ako, bakit naman sa puwit mo pa pinadaan? hahaha ..napahiya po ang Lola Gundang at ayun pinakasalan daw po siya. O nabitin ba kayo sa aking mga kwento ? Marami pa akong ibibida sa inyo sa susunod over my cup of tea!