Gas pipeline sa North Sinai sa Egypt, tinamaan ng pagsabog
CAIRO, Egypt (AFP) – Tinamaan ng isang pagsabog ang isang gas pipeline sa North Sinai region ng Egypt.
Ayon sa isang source, may nangyaring pagsabog Huwebes ng gabi sa kahabaan ng main gas pipeline na nagsu-supply sa syudad ng El-Arish.
Ang pagsabog ay nangyari sa Sabika area, sa kanlurang bahagi ng lungsod.
Sinabi naman ng mga nakasaksi, na ang usok at apoy mula sa sunog ay makikita may 30 kilometro o halos 20 milya ang layo.
Ayon sa pahayag ni Provincial Governor Mohammed Abdel Fadil Shousha, wala namang casualties sa nangyaring pagsabog at hindi rin ito makaaapekto sa gas supply ng syudad.
Aniya, nagsagawa na ng pagsisiyasat ang security forces sa lugar at sinimulan na rin ng mga awtoridad ang imbestigasyon.
Noong February 2018, naglunsad ang mga awtoridad ng isang nationwide operation laban sa mga militante, na nakatutok sa North Sinai.
Sa mga unang bahagi ng kasalukuyang taon, sinabi ng Islamic State group na pinasabog nila ang isang gas pipeline na nasa 80 kilometres sa kanluran ng El-Arish, sa paniniwalang konektado iyon sa Israel.
© Agence France-Presse