Gate ng Sitio San Antonio Poblacion sa Muntinlupa, isinara nang walang abiso sa mga residente
Naabala ang maraming mga residenteng nakatira sa Sitio San Antonio Poblacion sa Muntinlupa City, nang sa kanilang pag-uwi galing trabaho ay maratnang sarado at naka-welding pa ang gate na kanilang daanan.
Ito ay matapos na magpatupad ng curfew ang presidente ng Katarungan Village, nang hindi nag-abiso sa mga residenteng nakatira sa sitio.
Ayon sa mga residente, hindi nila alam na magkakaroon ng curfew sa nasabing oras at araw, dahil walang ipinaskil na paalala sa gate.
Sinabi ng mga nakatalagang security guard, na hindi rin nila alam ang tungkol sa curfew at nautusan lamang sila na isara ang gate.
Ang mga residente naman na galing sa trabaho at gusto nang makauwi sa kani-kanilang tahanan, ay sinabihan na lamang ng mga kagawad ng barangay na maghanap ng ibang madaraanan, dahil sila man ay wala ring magagawa kundi sumunod sa utos.
Bunsod nito, ay nanawagan at nakiusap ang mga residente na maiparating sa mga kinauukulan ang pangyayari, at ang anila’y bulok na sistem sa lungsod.
Ulat ni Rica Tumabang