GCash hindi legally liable sa nangyaring glitch – Remulla
Hindi raw maaaring habulin ang e-wallet platform na GCash sa naranasang unauthorized transactions ng ilang subscribers na nagresulta sa pagkawala ng kanilang pera.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, ito ay dahil sa naitama na ang nangyaring “glitch” at naibalik na ang pera sa account ng na-apektuhang customers.
Paglilinaw ni Remulla, maaari lang papanagutin sa cybercrime ang kumpanya kung hindi nito agad naresolba ang aberya.
Sinabi pa ng kalihim na inaasahan na may mga glitch na mararanasan sa mga katulad na digital platform.
Gayunman, handa aniya ang DOJ – Office of Cybercrime na imbestigahan ang isyu kung may hacking na nangyari.
Wala naman impormasyon ang kalihim kung may hacking kaya nagkaroon ng illegal fund transfers.
Samantala, inatasan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang GCash na isumite ang kinakailangan regulatory report matapos ang hindi otorisadong fund transfer na naranasan ng ilang customers nito.
Tiniyak din ng BSP na aktibo itong nakikipag-ugnayan sa mga apektadong financial institutions para maibsan ang epekto ng GCash issue.
Una rito ay ipinag-utos din ng central bank sa G-Xchange, Inc. (GXI), ang operator ng GCash na madaliin ang pagresolba sa nabawas na pera sa ilang GCash accounts.
Moira Encina