Gen. Eleazar, personal na binisita ang mga pulis na nasugatan sa pag-atake ng NPA sa Labo, CamNorte
Binisita ni PNP Officer-in-Charge Police Lt. General Guillermo Eleazar ang dawalang pulis na nasugatan sa pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa Labo, Camarines Norte.
Matatandaang ang pagsalakay ng komunistang grupo ay ikinasawi ng 5 pulis.
Personal na kinumusta ni Eleazar ang kalagayan nina Police Corporal Eric Hermoso at Patrolman Aldrin Aguito na naka-confine sa ospital sa Daet, Camarines Norte.
Ginawaran rin ang mga sugatang pulis ng Medalya ng Sugatang Magiting dahil sa matapang na pakikipaglaban sa mga rebeldeng komunista na lumusob sa isang Road project sa Labo municipality.
Personal ding inabot ni Eleazar sa mga pulis ang tulong pinansyal mula sa Pamunuan ng PNP at Police Regional Office 5.
Samantala, personal ding nagtungo si Eleazar sa burol ng limang pulis na napatay sa sagupaan.
Tiniyak din ng opisyal ang mga benepisyo at iba pang tulong pinansyal na ipagkakaloob sa mga napatay na alagad ng batas.