General Manager ng Mactan Cebu International Airport Authority at 15 iba pa, inireklamo ng NBI sa DOJ ng paglabag sa Anti-Dummy Law
Ipinagharap ng reklamong paglabag sa Anti – Dummy law ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang CEO at General Manager ng Mactan Cebu International Airport Authority at 15 iba pang indibidwal.
Ang kaso ay kaugnay sa paggawad ng MCIAA sa GMR MEGAWIDE CEBU AIRPORT CORP. (GMCAC) para sa management at operation ng nasabing paliparan.
Pangunahin sa sinampahan ng reklamo si MCIAA General Manager at CEO Atty. STEVE Y. DICDICAN; at ang mga Pinoy na opisyal ng GMR MEGAWIDE CEBU AIRPORT CORP. (GMCAC) na sina MANUEL LOUIE B. FERRER, EDGAR B. SAAVEDRA, OLIVER Y. TAN, at JZ DELA CRUZ.
Inireklamo din ng NBI Anti- Fraud Division ang mga foreign national officers ng GMCAC na sina SRIVINAS BOMMIDALA (Indian), P. SRIPATHY (Singaporean), VIVEK SINGHAI (Indian), ANDREW ACQUAAH-HARRISON (Ghananian), RAVI BHATNAGAR (Indian) RAVISHANKAR SARAVU (Indian), MICHAEL LENANE (Irish), SUDARSHAN MD (Indian), KUMAR GAURAV (Indian), MAGESH NAMBIAR (Indian), at RAJESH MADAN (Indian).
Nag-ugat ang kaso mula sa reklamo sa awarding ng operasyon at management ng Mactan Cebu International Airport sa GMCAC sa ilalim ng 25-year concession matapos manalo sa Php14.4-B bidding.
Ang concession ay para sa expansion at operation ng MCIA kabilang ang pagtatayo ng bagong passenger terminal at rehabilitasyon at expansion ng existing terminal.
Ayon sa complainant, nagsabwatan ang mga respondents para labagin ang Saligang Batas at Anti Dummy law.
Batay sa mga ebidensya ng complainant, ang mga dayuhang respondents ang namamahala sa MCIA na public utility ng Pilipinas at may approval ng mga Pinoy officers ng MCIAA at GMCAC
Nabatid din sa mga ebidensyang nakalap ng mga imbestigador gumaganap ng executive at managerial positions ang mga banyaga.
Samantala, sinampahan din ng NBI ng mga hiwalay na reklamo sa Office of the Ombudsman si Atty Dicdican dahil sa pagiging opisyal ng pamahalaan.
Mga paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials at Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang inihain laban kay Dicdican.
Moira Encina