Ginagawang Salvage operation sa MV True Confidence nagpapatuloy
Matapos ang naging karanasan nang atakihin ng rebeldeng houthi ang kanilang barko hindi pa tiyak ni Mark Anthony Dagohoy isa sa mga nakaligtas na pinoy seafarer kung babalik pa siya sa pagbabarko.
Sa ngayon, ang gusto lang muna niya ay makapiling ang kaniyang pamilya, dahil mahirap alalahanin ang naging mapait nilang karanasan.
Ayon kay Mark sa higit isang dekada niya nang pagbabarko hindi ito ang unang pagkakataon na nakadaan sila sa Gulf of Aden, pero ngayon lang niya naranasang inatake ng rebelde ang sinasakyang barko.
Inihayag naman ni Foreign Affairs Usec. Eduardo de Vega, halos araw araw ay umaatake ang Houthi rebels sa mga dumadaang barko roon.
Sinabi naman ng Department of Migrant Workers ang Gulf of Aden ay kabilang sa kategorya ng high risk areas kaya may opsyon naman ang seafarer na huwag sumama sa biyahe kung ayaw niya.
Sasagutin naman aniya ng kumpanya ang repatriation nito.
Nakiisa naman si Kabayan Partylist Representative Ron Salo sa panawagan sa mga shipping company na huwag ng dumaan sa red sea at gulf of aden.
Sa mga darating na araw inaasahang makakauwi na rin sa bansa ang 2 pang pinoy na nasugatan sa pag-atake.
Ayon sa DMW, patuloy rin ang salvage operation sa MV True Confidence at umaasa silang makukuha na ang katawan ng 2 pinoy na nasawi sa lalong madaling panahon.
Madelyn Villar – Moratillo