Ginagawang small scale reclamation ng China sa bahagi ng WPS napipigilan
Dahil sa pinaigting na pagbabantay, napigilan umano ng Philippine Coast Guard ang ginagawang small scale reclamation ng China sa Sandy Cay at Sabina shoal bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa isyu ng West Philippine Sea, pinuntahan ng kanilang divers ang seabed o ilalim ng karagatang nakapaligid sa Sabina shoal.
May mga nakita aniya silang mataas na ang seabed pero sa kanilang pagsukat, hindi na nadagdagan ang mga ito.
Maging sa Sandy cay hindi narin aniya nadagdagan ang sukat ng mga nakita nilang tambak.
Aminado ang opisyal na palaisipan sa kanila kung paano nagagawa ng China ang pagtatambak ng mga durog na dead corals.
Pero kapansin pansin na tuwing nagkakaroon aniya ng tumpok ng chinese vessels ay may mga nakikitang tambak ng patay na corals.
Sa larawan na ito mula sa PCG makikita ang mataas na tambak ng durog na dead corals na ito.
Ang tambak na ito, above sea level.
Ayon kay Tarriela sa 29 na araw ng pananatili ng kanilang barko sa Sabina shoal nasa 44 chinese vessels ang kanilang namonitor.
Madelyn Villar- Moratillo