Ginastos ng isang Philhealth member sa RT-PCR swab test, pwedeng mabawi

Maaaring ma-claim o mareimburse ng isang Philhealth member o beneficiary ang ginastos nito sa RT-PCR o Swab test para sa Covid-19.

Ito ang ginawang pagtitiyak ni dating Quezon City Councilor at ngayo’y Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy sa panayam ng Radyo Agila.

Nilinaw ng Kongresista na batay sa nakasaad sa Department of Health (DOH) guidelines, kasama sa Philhealth benefit package ang SARS-Cov-2 Swab test na inilaan para sa mga miyembro nito, maging sila ay Person under Monitoring (PUM) o Person under Investigation (PUI).

Ibig sabihin, otomatikong mare-reimburse ng isang kwalipikadong miyembro ng Philhealth ang ginastos niya sa Swab test, naging negatibo o positibo man ang resulta ng test.

Nasa 3,500 pesos aniya ang inilaan ng Philhealth na pwedeng ma-claim ng isang miyembro para sa Swab test.

Maaari rin aniyang dumirekta mismo sa tangagapan ng Philhealth ang isang miyembro upang mabawi ang kaniyang ginastos basta’t iprisinta lamang ang resibo ng kaniyang Swab test.

Maliban pa aniya ito sa hospital billing o days of confinement na ginugol ng isang pasyente habang naghihintay ng resulta ng kaniyang Swab test na maari rin i-claim sa Philhealth.

Ang paglilinaw ay ginawa ng Kongresista matapos makatanggap ng mga reklamo at sumbong na ilang mga ospital at testing centers sa bansa ang kumukuha ng reimbursement sa Philhealth sa mga isinagawang swab test na bayad na ng pasyente.

Ang DOH Circular ay epektibo sa lahat ng accredited testing centers at ospital sa buong bansa simula pa noong Abril.

Cong. Bernadette Herrera-Dy:

Kahit negatibo o positibo man yan, basta ikaw ay qualified under DOH guidelines, you can reimburse for your PCR Swab test. Ito ay dahil na-expose sila sa isang Covid positive patient. Kaya siya naging PUI o PUM at otomatikong kasama siya sa qualified under Philhealth”.

Ang naging problema lang aniya kaya nangyari ito ay dahil ang DOH circular ay hindi naipamudmod o naipalaganap agad sa buong bansa.

Sa katunayan, sa kabuuang 105 ospital sa buong bansa, nasa 11 pagamutan lang aniya ang nakaka-alam na pwedeng i-reimburse sa Philhealth ang swab test.

Ito rin aniya ang dahilan kung bakit natatakot ang marami nating kababayan na sumailalim sa swab test dahil sa laki ng gastusin.

Bakit hindi alam ng lahat ng mga Health institution na they can actually charge the Philhealth for those beneficiaries na qualified under the guidelines. Eh di sana napababa natin ang presyo ng testing dito sa ating bansa kung babayaran naman ng ahensya ang 3,500 pesos sa swab test. Marami sana ang magpapa-swab test. Mas naging affordable sana ito sa ating mga kababayan”.

Dahil dito, hinikayat ni Dy na ang mga sumailalim sa Swab test na nagbayad sa mga testing center o pagamutan na i-claim ng direkta sa mga tanggapan ng Philhealth ang kanilang ibinayad.

Kaya hinihikayat ko ang mga pasyenteng nagpa-test na qualified under Philhealth guidelines na mag-claim kasi baka mamaya hindi mo alam na na-claim na pala ng testing center. So dito talaga natin makikita. Kaya dapat isumbong kaagad ang mga testing center na gumawa nito”.

Nakakalungkot aniya na binigyan ng pagkakataon ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging sagot ng gobyerno ang testing para sa Covid-19 para sa mahigit 10 milyong Filipino pero hindi naman napagkaloob sa mamamayan dahil sa iilang opisyal ng Gobyerno na hindi ito maiplementa ng maayos.

==========

Please follow and like us: