Global vaccine campaign, bumilis matapos aprubahan ng Brazil ang simula ng pagbabakuna
SAO PAULO, Brazil (AFP) — Bumilis ang global COVID-19 vaccination drive, matapos simulan ng Brazil ang pagbibigay ng bakuna at isinulong naman ng India ang kanilang massive campaign.
Ang 54-anyos na si Monica Calazans, isang care nurse sa Sao Paulo ang unang tao sa Brazil na nabigyan ng Chinese CoronaVac.
Samantala, ang lumalawak na pangamba tungkol sa iba pang strain ng virus ang nagtulak sa mga gobyerno na higpitan ang ipinatutupad na restrictions upang mapigilan ang pagdami pa ng mga namamatay sa buong mundo, na lumampas na sa dalawang milyon.
Sa kabilang dako, naging matagumpay naman ang vaccination drive ng India na sinimulan nitong Sabado, kung saan higit 224,000 katao ang nabakunahan, at tatlo lamang sa mga ito ang na-ospital dahil sa naranasang side effects.
Plano ng gobyerno na bakunahan ang may 300 milyong katao mula sa 1.3 bilyong populasyon ng India pagdating ng July.
Sa Europe, nakahanda na rin kapwa ang France at Russia para sa kanilang vaccine effort.
Sinimulan na ng Russia ang kanilang mass immunizations nitong Lunes gamit ang sarili nilang Sputnik V vaccine, habang sinimulan na rin ng French government ang pagbabakuna sa harap na rin ng nararanasang pagbatikos bunsod ng mabagal na paglulunsad nito.
Sa magkabilang panig ng European Union (EU) ay may mga pangamba na ang pagkaantala sa delivery ng Pfizer-BioNTech vaccine, ay lalong magpapabagal sa kampanya na kinokondena naman ng mga kritiko.
Ayon sa US drugmaker na Pfizer, tinatrabaho na nila ang pagpapabilis ng produksyon sa kanilang plantsa sa Belgium.
Matapos ang pansamantalang pagkaantala, dapat nang bumalik sa original schedule ang deliveries sa EU, mula January 25.
Sinabi naman ni US Scientist Anthony Fauci, na ang target ni US President-elect Joe Biden na pagdating ng ika-100 araw niya bilang pangulo ng America ay 100 milyong doses na rin ang naibigay sa mga mamamayang Amerikano.
Si Fauci ang magiging chief advisor on COVID-19 ni Biden.
Una nang inihayag ni Biden ang $1.9 trillion stimulus plan para makabangon ang ekonomiya ng US na pinaka-naapektuhan ng pandemya, kung saan higit 397,000 na ang namatay.
Sa Israel naman ay inihayag ng prison service na sisimulan na nilang bakunahan ang lahat ng inmates kasunod ng protesta kaugnay ng anunsyo mula kay Public Security Minister Amir Ohana na ang Palestinian, ang mga bilanggo ang huling bibigyan ng bakuna.
Nakapagbigay na ang Israel ng isang vaccine dose sa higit dalawang milyong katao na itinuturing na world’s fastest per capita.
Sinimulan na rin ng Spain ang pagbibigay ng second doses sa kanilang mga mamamayan na una nang nabigyan ng first dose noong katapusan ng Disyembre, na karamihan ay nursing home residents at care staff.
© Agence France-Presse