Gobernador ng Aklan at iba pang Government officials kinasuhan sa Ombudsman dahil sa kapabayaan sa Boracay
Kinasuhan na ng Department of Interior and Local Government o DILG sa Office of the Ombudsman si Aklan Governor Florencio Miraflores at 16 na iba pang opisyal ng Malay dahil sa kapabayaan sa Boracay.
Paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kasong administratibo, neglect of duty, conduct unbecoming at conduct prejudicial to the best interest of the service ang isinampa ni DILG Assistant Secretary Epimaco Densing laban kay Miraflores.
Iginiit ni Densing na hindi ginawa ni Miraflores ang kaniyang trabaho na linisin ang kagaratan at protektahan ang isla na kinilala bilang isa sa pinaka magandang tourist spot sa buong mundo.
Ang mga opisyal din aniya ang dapat managot sa pagdumi ng Boracay dahil sa pag-iisyu ng mga business permit at pagtatayo ng mga establishments kahit walang sapat na dokumento at hindi tumugon sa Fire safety at Building code.
Kasabay nito, hiniling na ni Densing sa Ombudsman na suspindihin si Miraflores at 16 na opisyal ng Aklan.
Ulat ni Meanne Corvera