Gobyerno, dapat hintayin muna ang pagdating ng bakuna bago ipatupad ang mas maluwag na quarantine sa Metro Manila- Mayor Zamora

Mas napapanahong luwagan ang Quarantine classification sa Metro Manila kung mayroon nang bakuna.

Ito ang naging pahayag ni San Juan city mayor Francis Zamora sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na isailalim na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong bansa kasama ang National Capital Region pagsapit ng Marso.

Isa pa sa pinangangambahan ng alkade ay ang panukalang payagan nang lumabas ng bahay ang mga batang nasa edad lima pataas at mga nakatatanda ng hanggang 70 anyos.

Ayon kay Zamora, posibleng ang mga bata ay magsilbing super-spreader ng virus lalu na’t kung papayagang magtungo sa mga video arcades, mga parke, face to face classes at iba pang pasyalan.

Para kay Zamora, dapat hintayin na lamang ang pagdating ng anti-Covid vaccine sa bansa bago ipatupad ang mas maluwag na quarantine.

Sa 17 Metro Mayors, isa si Zamora sa bumoto laban sa pagluluwag ng quarantine sa Metro Manila.

Gayunman, sinabi ng alkalde na handa naman siyang tumalima kung ano ang magiging pasya ni Pangulong Duterte basta’t mabigyan lamang sila ng panahong makapag-adjust para sa mga ilalabas na panuntunan ng IATF sakaling isailalim na sa MGCQ ang Metro Manila.

San Juan City Mayor Francis Zamora:

Ang hinihiling ko lang po kung talagang magsi-shift sa MGCQ ay to inform us early so that we can prepare. Kasi may mga pagbabagong kailangang ipatupad gaya kung papayagang mas bata ang edad na lumabas, we have to make adjustments in terms of our existing ordinances, our existing policies. Kabilang din dito ang dating hindi pinapayagang establisimyento na mga sinehan o arcade games ay we have to inform early so that we can implement better”.

part of interview with Mayor Francis Zamora on Teleradyo’s BaliTalakayan program




Please follow and like us: