Gobyerno dapat magbigay ng legal assistance sa siyam na Pinoy na nahaharap sa parusang bitay sa Malaysia – Migrante
Dapat kaagad magbigay ng legal assistance ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga Pinoy na may kinakaharap na kaso sa ibang bansa.
Ito ang sinabi ni Arman Hernandez, tagapagsalita ng Migrante International kasunod ng paghatol ng bitay sa siyam na Pinoy na nasangkot sa paglusob sa Lahad Datu, Sabah, Malaysia, noong 2013.
Aniya, dapat naging sensitibo at maingat ang gobyerno sa pagtulong sa mga nasa deathrow lalo na sa Sabah na wala namang intensyon na idestabilisa ang pamahalaan ng Malaysia at sa halip ay gusto lamang bawiin ang lupaing pinaniniwalaang pagmamay-ari ng Pilipinas at makahanap ng magandang kabuhayan doon.
Naniniwala ang Migrante na life sentence lamang at hindi hatol na kamatayan ang dapat na ipinataw sa mga ito.
Ayon kay Hernandez, napakabagal at tinitipid ang pagbibigay ng legal assistance sa mga Pinoy sa ibang bansa.
Nakasaad sa Republic Act 8042 o Migrant Workers Act na dapat maglaan ng P100 million kada taon para sa legal assistance ng mga Pinoy sa abroad, subalit simula noong 2015 sa ilalim ng Aquino administration, ay hindi na ito napaglalaanan ng pondo.