Gobyerno, dapat “no mercy” sa mga terorista at kriminal– VP Sara
Hindi dapat na magpakita ng awa ang pamahalaan laban sa mga terorista at kriminal.
Ito ang inihayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte matapos na makipag-pulong sa mga pinuno ng security sector sa punong tanggapan ng Department of Education (DepEd) sa Pasig City.
Tumagal nang mahigit isang oras ang pakikipag-pulong ni VP Sara na tumatayo ring Officer-in-Charge ng gobyerno habang nasa state visits sa Indonesia at Singapore si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong sina Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro, Philippine Army (PA) Commanding General Romeo Brawner, Jr., at Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Artemio Abu.
Gayundin ang mga hepe ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Fire Protection (BFP).
Present din ang mga kinatawan mula sa Philippine Air Force (PAF), Philippine Navy (PN), at Philippine National Police (PNP).
Ayon sa bise presidente, layunin ng pulong sa security sector na mapaigting pa ang umiiral na koordinasyon at interagency cooperation sa mga isyung may kinalaman sa pambansang seguridad at pag-unlad ng bansa.
Iginiit ni Duterte na mapapabagal o kaya ay mahu-hostage ang mga mithiin ng bansa ng mga puwersa na ang motibo ay idiskaril ang mga pag-unlad nito.
Dahil dito, dapat aniya na “no mercy” ang gobyerno sa pagtugon sa mga terorista at kriminal.
Naniniwala si Duterte na tunay lang na makakabangon ang bansa mula sa pandemya at makatatayong may giting kung matagumpay nito na matutugunan ang mga banta sa seguridad.
Isa rin aniya sa mga natalakay sa security sector meeting ang ROTC sa parehong basic at higher education sa harap ng pahayag ng pangulo ukol sa pagpapatupad ng mandatory ROTC.
Inihayag naman ni VP Sara na wala silang napag-usapan na anumang banta sa seguridad ng bansa sa pulong.
Moira Encina