Gobyerno hihingi ng tulong sa pribadong sektor para sa pagtatayo ng mga Cold storage na pag-iimbakan ng Anti- COVID 19 – Malakanyang
Makikipag-partner ang pamahalaan sa mga pribadong negosyante para sa pagtatayo ng mga cold storage facilities na pag-iimbakan ng anti COVID 19 vaccine sa sandaling avilable na ito sa merkado.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na makakagaan sa gobyerno kung tutulong ang private sector sa pagtatayo ng mga special cold storage facilities para sa anti COVID 19 vaccine.
Ayon kay Roque, magandang investment para sa mga pribadong negosyante ang pagtatayo ng mga cold storage facilities.
Inihayag ni Roque, target ng pamahalaan na makapagtayo ng cold storage facilities sa lahat ng rehiyon ng bansa para mabilis ang pamamahagi ng inaasahang anti COVID 19 vaccine.
Niliwanag ni Roque na ngayon pa lamang ay naghahanda na ang pamahalaan para preparado na ang lahat sa sandaling magkaroon na ng bakuna laban sa COVID 19.
Inaasahan ng Malakanyang na sa China manggagaling ang anti COVID 19 vaccine na bibilhin ng Pilipinas dahil tapos na sa final stage ng clinical trial ang bakunang sinovac at sinopharm na ginawa ng chinese pharmaceutical company.
Vic Somintac