Gobyerno muling isinusulong ang development at importasyon ng liquefied natural gas
Sa harap ng inaasahan na pagkaubos ng suplay ng natural gas sa Malampaya Gas Field at pangangailangan sa green energy, muling ipinanawagan ng pamahalaan at industry leaders ang development at importasyon ng liquefied natural gas (LNG).
Sa gas at liquefied natural gas summit na dinaluhan ng mga LNG experts at players, sinabi ng Department of Energy (DOE) at mga think tank na ang LNG importation ang isa sa mga nakikitang sagot nito para magkaroon ng seguridad sa enerhiya at malinis at renewable energy sa bansa.
Ayon pa kay Energy Undersecretary Alessandro Sales, magiging crucial ang papel ng natural gas habang tumataas ang demand ng buong mundo sa enerhiya at pangangailangan para maibsan ang epekto ng climate change.
Aminado ang DOE na hindi agad maisasakatuparan ang LNG importation dahil sa wala pang LNG terminals ang bansa at nangangailangan ito ng investment mula sa pribadong sektor.
Pero inihayag ng Natural Gas Management Dvision ng DOE na inaasahan sa unang quarter ng 2023 ay magsisimula na ang commercial operations ng tatlong LNG import terminal projects.
Ang mga ito ay ang Atlantic, Gulf and Pacific (AG&P), First Gen Corp at Energy World Corp.
Ang tatlo ay kabilang sa anim na LNG terminal at regasification projects na inaprubahan ng DOE.
Kamakailan ay natapos na rin ng DOE ang Natural Gas Development Plan (NGDP) na makatutulong para gabayan ang regulators, policymakers, at investors sa development ng Philippine Downstream Natural Gas Industry
Ayon sa DOE, bahagi ng istratehiya ng gobyerno ang pagpapalakas sa mga polisiya upang maisulong ang development ng downstream natural gas industry kabilang na ang liquefied natural gas sa energy system ng bansa.
Moira Encina