Gobyerno naaalarma sa paggamit ng Maute group sa mga bata at bihag na sibilyan para isagupa sa tropa ng pamahalaan sa Marawi City
Nagpahayag ng pagkabahala ang militar sa nakalap na impormasyon mula sa mga nailigtas na bihag na ginagamit ng teroristang Maute group ang mga menor de edad at sibilyang bihag para isagupa sa tropa ng pamahalaan sa Marawi City.
Sa Mindanao hour sa Malakanyang sinabi ni AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla na isa ito sa nagpapahirap sa military clearing operations sa lungsod ng Marawi.
Ayon kay Padilla nagiging maingat ang militar dahil hangga’t maaari ay hindi maaaring patayin ang mga bata at sibilyan.
Inihayag ni Padilla kung armado ang mga menor de edad at sibilyan at nalalagay sa balag ng alanganin ang tropa ng pamahalaan walang ibang paraan kundi i-neutralize ang mga ito.
Niliwanag ni Padilla na mayroon paring mga sibilyan na karamihan ay matatanda ang kinakailangang i-rescue sa lugar na kinagaganapan pa rin ng bakbakan ng tropa ng pamahalaan at mga teroristang Maute group.
Ulat ni: Vic Somintac