Gobyerno ng Kuwait kailangang mag-public apology sa mga Pilipino
Ikinadismaya ni Senate Committee on Migrant Workers chairman Senator Raffy Tulfo ang nangyari kay Junellee Ranara, ang OFW na pinaslang sa Kuwait matapos itong maltratuhin ng 17-anyos na suspek na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Samantala, dumating na kagabi sa bansa ang labi ni Ranara na sinalubong ng kaniyang pamilya at mga opisyal ng gobyerno.
Sinabi ni Tulfo, na dapat munang ipatupad ang total deployment ban sa nasabing bansa sa harap ng nangyari kay Jubellee.
Ayon pa sa senador, hanggat hindi naaayos ng nasabing bansa ang nangyari ay dapat manatili ang deployment ban.
Isa rin aniya sa dapat gawin ng gobyerno ng Kuwait ay ang paghingi ng public apology. Hindi aniya sapat ang personal na paghingi nito ng apology sa pamilya ni Ranara.
Sinabi pa ng senador, na dapat ding managot ang recruitment agency dahil sa hindi nito pagmo-monitor kay Ranara makaraan siyang i-deploy sa nasabing bansa.
Nangako rin si Tulfo at maging ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na tututukan nila ang nangyari kay Ranara at nangakong magbibigay ng tulong sa pamilyang naiwan ng OFW.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya Ranara sa mga miyembro ng media.
Samantala, isasailalim sa awtopsiya ng National Bureau of Investigation ang bangkay ni Ranara, pagkatapos ay ibuburol ang kaniyang labi upang makita ng kaniyang mga kaanak at kaibigan.
Earlo Bringas