Gobyerno, patuloy na mamamahagi ng cash grants sa mga rice retailer na naapektuhan ng rice cap
Patuloy na magkakaloob ang gobyerno ng cash grants sa mga rice retailer sa bahagi ng Metro Manila at Zamboanga del Sur, ngayong Lunes, Setyembre 11.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), batay sa isang report ng Department of Social Welfare and Development, ang cash grant ng P15,000 ay ibibigay sa bawat isa sa 15 benepisyaryo sa Pateros, 161 sa Navotas, 129 sa Parañaque, at 32 sa Zamboanga del Sur, na tinukoy ng Department of Trade and Industry at Department of Agriculture.
Ito na ang ikalawang araw ng pamamahagi ng cash assistance ng gobyerno, na nagsimula sa Commonwealth Market sa Quezon City at Agora Market sa San Juan City noong Sept. 9.
Nagbigay din ng cash grants sa mga benepisyaryo sa Maypajo Market sa Caloocan City.
Ang cash assistance sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ay naglalayong pagaangin ang epekto ng isang rice price cap sa mga retailer kasunod ng pagpapalabas sa Executive Order (EO) No. 39.
Sa pamamagitan ng EO, ay inaprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang rekomendasyon ng DTI at DA para sa a P41 price ceiling sa regular-milled rice at P45 sa well-milled rice sa gitna ng mataas na presyo ng mga bigas sa pamilihan.
Ang EO ay nagkabisa noong Setyembre a-5.
Ayon sa PCO, kabuuang 239 rice retailers na na-monitor sa 37 mga pamilihan sa National Capital Region ang sumunod, base sa report mula sa DA.
Sinabi pa ng PCO, na ang DTI at DSWD ay magpupulong ngayong Lunes upang pag-usapan ang talaan ng mga benepisyaryo ng cash grants sa ilalim ng programa para sa nalalabing bahagi ng NCR at mga lalawigan.