Gobyerno, pinaghihinay-hinay sa pagbaba ng Alert Level sa bansa
Pinaghihinay-hinay ng isang Infectious Disease Specialist ang gobyerno sa pagbaba pa ng Alert Level system sa bansa.
Giit ni Dr. Rontgene Solante, hepe ng Infectious Diseases and Tropical Medicine unit ng San Lazaro Hospital, hindi dapat maging padalos-dalos ang pamahalaan at dapat pag-aralan ito ng mabuti.
Una rito, kinumpirma ni Health Sec. Francisco Duque na pinag-aaralan na ng gobyerno ang posibilidad ng pagbaba ng bansa sa Alert Level zero.
Ayon kay Duque, kahit maraming lugar na ang nasa Alert Level 1 kung saan pwede na ang 100% capacity sa mga establisyimento, hindi naman nakitaan ng pagtaas ang mga kaso ng Covid-19 sa bansa.
Pero nangangamba si Solante, bukod kasi sa panahon ng kampanyahan ngayon….nagbabanta rin ang waning effect ng Covid-19 vaccines.
Kaya naman apila ni Solante sa mga nakatanggap na ng 2 dose ng bakuna na magpa-booster na.
Sa datos ng DOH, sa 63.9 milyong fully vaccinated sa bansa, 10.6 milyon palang ang nagpabooster shot.
Ayon naman kay Department of Interior and Local Government Usec. Epimaco Densing, sa ilalim ng Alert Level zero ang mga lokal na pamahalaan na ang magiging frontliner sa laban sa Covid-19.
Pero bago ito, kailangan muna aniyang pumasok sa endemic stage at ideklara ang Covid-19 bilang ordinaryong sakit na lang.
Madz Moratillo