Gobyerno, target mabakunahan ang lahat ng nasa sektor ng turismo bago matapos ang taon
Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 100 porsiyento ng mga tourism worker sa buong bansa bago matapos ang 2021.
Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., nasa halos 5 milyong manggagawa ang nasa tourism-related industries sa bansa na matinding naapektuhan ng Pandemya.
Naniniwala si Galvez na para muling mapasigla at makabalik sa trabaho ng ligtas ang mga manggagawa ay dapat bakunado at protektado na sila laban sa virus.
Sa Cebu, sinabi ni Tourism secretary Berna Romulo-Puyat na nasa 50 porsiyento na ng mga tourism worker ang nabakunahan na kontra Covid-19 at inaasahan nilang mababakunahan na lahat bago matapos ang taon.
Kabilang dito ang mga nagtatrabaho sa mga restaurant, paliparan, mga driver at mga may kinalaman sa turismo.
Sinabi ni Galvez na inaprubahan na ng National Task Force against Covid-19 ang 20,000 doses na alokasyon ng mga bakuna kada linggo upang mapabilis ang pagbabakuna sa mga tourism worker.